Dean ng UST Law, ‘brods’ na may kinalaman sa hazing ni ‘Atio,’ pinadi-disbar

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 08:43 PM

Ipinadi-disbar ng Senate committee on public order and dekano ng University of Santo Tomas (UST) Faculty of Civil Law dahil sa pagkamatay sa hazing ng UST law student na si Horacio "Atio" Castillo noong Setyembre.

Gustong ipabawi ng komite ang pagiging abogado nina UST Law dean Nilo Divina, kasama ang 18 alumni ng Aegis Jvris fraternity, at iba pang mapatutunayang may kaalaman sa pagkamatay ni Castillo, pero hindi ito ini-report agad sa mga awtoridad.

Inirekomenda rin ng komite ang pagbaba sa puwesto bilang dekano ni Divina.

Ayon kay Sen. Panfilo "Ping" Lacson, committee chairman, imoral at sampal sa propesyon ng mga abogado ang mga naging aksiyon ng naturang miyembro ng Aegis Jvris.

Nauna nang sinabi ni Divina na pinutol na niya ang ugnayan sa fraternity simula nang maupo siya bilang dekano ng UST Law noong 2009. 

Pero ayon kay Lacson, may mga larawang nagpapakita na aktibo pa rin ang dekano sa fraternity anniversaries. 

Dagdag pa ni Lacson, hadlang sa masusing imbestigasyon ang patuloy na pananatili ni Divina bilang dekano.

Nanawagan si Lacson kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno at sa iba pang mahistrado ng Korte Suprema na agad aksiyonan ang rekomendasyon ng komite.

Sa isang pahayag, iginiit naman ni Divina na wala siyang kinalaman sa hazing kay Castillo at maging sa umano'y pagtatangkang ikubli ang nangyari sa neophyte.

Saad ng pahayag ni Divina: " . . . I had no knowledge of the hazing prior to its occurrence, took no part therein, and was not in any way part of the so-called group chats purportedly plotting the cover-up of the incident."

Iginiit din ng dekano na ginawa niya ang lahat para maiwasan ang anumang insidente ng hazing.

"My conscience is clear. I did not do anything wrong, illegal or unethical. I did all I could have done under the circumstances to prevent incidents of hazing from happening during my watch as dean of the UST Faculty of Civil Law," saad ng pahayag.

KASO VS. 'BRODS'

Pinaiimbestigahan din at pinakakasuhan ng obstruction of justice ng Senate committee ang mga miyembro at alumni ng Aegis Jvris na sangkot sa tangkang cover-up o pagtatago sa sanhi ng pagkamatay ni Castillo.

Ayon sa medico-legal report ng Philippine National Police, "severe blunt traumatic injuries" ang ikinamatay ni Castillo matapos dumalo sa pagtitipon ng Aegis Jvris noong Setyembre.

Ipinabeberipika rin muna sa Department of Justice ang affidavit ni Marc Anthony Ventura, bago siya gawing state witness. 

Sa sinumpaang salaysay ni Ventura, pinangalanan niya ang mga miyembrong nagsagawa aniya ng hazing kay Castillo.

ANTI-HAZING LAW

Kasama rin sa rekomendasyon ng komite ang pagpapalakas sa Anti-Hazing Law of 1995.

Sa ilalim ng panukalang batas, pinalalawak ang depinisyon ng hazing na sakop ang lahat ng aksiyon na nagdudulot ng "physical" o "psychological suffering" o "injury" sa sinuman bilang rekisito para matanggap sa isang organisasyon sa loob man o labas ng paaralan.

Kung magsasagawa ng initiation rites ang isang samahan sa paaralan, kailangan munang magsumite ng application na nakasaad ang eksaktong paraan ng initiation.

Ipinasusumite rin ang pangalan ng faculty adviser na nag-apruba ng initiation rites.

Layon ng panukalang batas na ikulong at pagmultahin maging ang alumni ng fraternity, sorority o organisasyon na mapatutunayang nagtangkang harangin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso ng hazing.

Agad ding papatawan ng disciplinary proceedings ng Korte Suprema, o nararapat na professional board, ang masasangkot na abogado.

Inirerekomenda rin ng komite sa Commission on Higher Education ang permanent ban ng fraternity at expulsion ng mga opisyal at miyembro nitong masasangkot sa hazing.

Nanawagan din si Lacson sa UST na i-ban nang tuluyan ang Aegis Jvris na nag-recruit kay Castillo.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.