Bangkay ng bata, isinilid sa sako at iniwan sa basurahan

Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 04:32 AM

Isang bangkay ng 5-anyos na babae ang natagpuang nakasilid sa sako at iniwan sa ilalim ng basurahan sa Negros Occidental Martes ng umaga.

Inaresto na ng mga pulis ang isang 50-anyos na lalaki na nakita ng ilang residente dala ang sako na pinaglagyan ng biktima.

Kuwento ng mga kaanak ng biktima, huli nilang nakita ang bata na naglalaro sa isang kubo sa Barangay Malingin, Bago City Lunes alas-3 ng hapon.

Nang dumilim na ang paligid, hinanap nila ang bata matapos hindi ito makauwi ngunit bigo ang pamilya.

Nagsagawa sila ulit ng paghahanap Martes ng umaga nang mapansin nila ang isang hukay sa ilalim ng isang basurahan.

Hinukay nila ang butas at nakita ang isang sako na naglalaman ng bangkay ng biktima.

Nang panayamin ng ABS-CBN News ang suspek, pinabulaanan niya ang akusasyon na sangkot siya sa krimen.

Siya ang itinuturong suspek matapos makita ng ilang residente na dala ang sako na pinaglagyan ng biktima.

Inireklamo na rin ang suspek matapos umanong manguha ng mga damit-panloob ng mga kababaihan sa kanilang lugar.

Ayon sa pulisya, may nakitang dugo sa damit-panloob ng bata na posbile umanong ginahasa.

Nagsagawa na ng autopsy sa biktima. Magsasampa ang pulisya ng karampatang kaso laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.