Mga pulis-Bikol, nagpahayag ng suporta kay 'Bato'

Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2017 07:04 PM

LEGAZPI CITY – Buo pa rin ang tiwala at suporta ng Regional Police Office 5 sa hepe ng kapulisan na si Director General Ronald "Bato" dela Rosa.

Ito ang sinabi ni regional director Chief Superintendent Melvin Ramon Buenafe sa gitna ng kabi-kabilang pagbatikos kay Dela Rosa, at panawagan ng kanyang pagbibitiw.

Ayon kay Buenafe, hindi maiiwasan na may “black sheep” sa isang pamilya, lalo na sa isang organisasyong kasing laki ng Philippine National Police (PNP).

Ito ay kasunod ng sunod-sunod na pag-uugnay ng mga pulis sa mga operasyong “tokhang-for-ransom.”

Ani Buenafe, alam niya raw na ginagawa naman ni Dela Rosa ang lahat para malinis ang kanilang hanay.

Patungkol naman sa pagdalo ni Dela Rosa sa konsyerto at ang umanong pagiging “showbiz” nito, isang patunay lang daw na kagaya ng ordinaryong tao, kailangan din niyang makapaglibang lalo’t mabibigat ang kinakaharap niyang mga problema araw-araw.

Pero hindi raw nito ibig sabihing pinabayaan na nito ang kanyang responsibilidad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.