Babae, ginahasa umano ng pulis sa loob ng sasakyan sa Calamba

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2017 11:47 PM

CALAMBA - Inabutan ng mga pulis ang isang babae at lalaki na hubo't hubad sa loob isang sasakyan sa Barangay Canlubang sa Calamba, Laguna Lunes ng gabi.

Nakita ng mga pulis ang dalawa habang nagpapatrolya sila sa lugar. Nang lapitan nila ang sasakyan, nagpakilala ang lalaki na isang opisyal ng pulisya habang humingi naman ng tulong ang babae. Dinala ang dalawa sa opisina ng Calamba City Police at doon nalaman ang panggagahasang umanong naganap.

Tumangging magpakilala at humarap sa kamera ang biktima. Idinetalye niya ang pananakot at panggagahasang ginawa sa kanya.

Ayon sa biktima, nakatayo lang siya sa tabi ng kalsada nang lumapit ang sasakyan at nagtanong ng direksyon ang suspek sa kanya.

Pinasakay siya para ituro ang direksyon pero pagsakay niya ay tinutukan na umano siya ng baril ng suspek at hinalay.

Kinilala ang suspek na si Inspector Aaron Cabillan ng Regional Public Safety Battalion ng Police Regional Office Calabarzon.

Tumangging muna ang pulisya na iharap ang suspek habang kasalukuyan itong nakapiit sa Calamba City Police Custodial Facility.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.