PatrolPH

Naujan, Oriental Mindoro, isinailalim sa state of calamity

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2023 04:51 PM | Updated as of Jan 24 2023 11:18 AM

MAYNILA -- Isinailalim na sa state of calamity ang buong bayan ng Naujan sa Oriental Mindoro dahil sa lawak ng pinsala ng isang buwan nang pagbaha na nararanasan.

Pinagtibay kaninang umaga sa sesyon ng Sangguniang Bayan ang resolusyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Managament Council na nagpapadeklara sa bayan ng Naujan sa state of calamity.

Sa tala ng MDRRMO, 47 barangay sa Naujan ang nalubog sa baha dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng low pressure area at shear line.

Umaabot na sa 5,299 na households or 19.34 porsiyento ng populasyon ng Naujan ang apektado ng baha at nangangailangan ng tulong.

Nasa P77.8 milyon na rin ang halaga ng pinsala sa agrikultura na kinabibilangan ng palayan, gulayan, fishponds, poultry at iba pang alagang hayop.

Watch more News on iWantTFC

Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Naujan Mayor Henry Joel Teves na naapektuhan ng pagbaha ang 1,573 magsasaka at nasa 2,700 ektarya ng palayan. 

Hindi na aniya mapapakinabangan ang mga palay na nalubog sa baha.

"Matagal ho kasi yung mga tubig sa kanilang palayan," aniya.

Kuwento pa ni Teves, nakatutok ang mga awtoridad sa pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka. 

"Yun nga po ang aming iniintindi ngayon, para matulungan yung ibang mga farmer na kahit na kaunti ay mabigyan namin ng cash."

Dagdag pa niya, namamahagi na rin ang Department of Agriculture ng binhi at fertilizer sa mga apektadong magsasaka. 

Tinatayang nasa P140.6 milyon naman aniya ang halaga ng pinsala sa imprastraktura.

"Yung mga dike ho namin...nasira kaya bumaha nang ganoon kalaki," ayon sa alkalde. 

Noong Disyembre 19, 2022 pa nagsimula ang matinding pagbaha sa bayan ng Naujan kung saan umapaw ang Mag-Asawang Tubig River dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.