PatrolPH

Mga pula, puting sibuyas mula China dumating na sa Pilipinas

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2023 01:00 PM | Updated as of Jan 23 2023 07:36 PM

Tindahan ng sibuyas sa Divisoria, Maynila noong Agosto 18, 2022. George Calvelo, ABS-CBN News/File
Tindahan ng sibuyas sa Divisoria, Maynila noong Agosto 18, 2022. George Calvelo, ABS-CBN News/File

(UPDATE) Dumating na sa Pilipinas ang mga pula at puting sibuyas na inangkat mula China, na bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang mapababa ang presyo ng nasabing gulay sa merkado, sabi ngayong Lunes ng Bureau of Plant Industry (BPI).

Sa National Seed Summit sa Quezon City, sinabi ni BPI Director Glenn Panganiban na 16 na container ng puting sibuyas at 32 container ng pulang sibuyas ang dumating sa bansa nitong nagdaang weekend.

Ayon kay Panganiban, dumadaan pa sa second border inspection ang nasabing inangkat na sibuyas kaya hindi pa ito nabebenta sa merkado.

Ipinaliwanag ni Panganiban na requirement umano ang second border inspection para ma-check na walang nahahalo sa sibuyas sa ibang agricultural product na dati nang nasabat ng Bureau of Customs.

Watch more News on iWantTFC

Ngayong linggo umano inaasahang lalabas sa merkado ang nasabing imported na sibuyas, na ibebenta sa mas murang halaga o mababa sa P200 kada kilo.

Magugunitang nagpasya ang gobyerno na mag-angkat ng sibuyas matapos sumipa ang presyo nito sa merkado sa hanggang P600 kada kilo.
 

Pero nitong mga nagdaang araw, unti-unti nang bumaba ang presyo ng sibuyas sa ilang palengke dahil panahon na rin ng anihan ng mga lokal na magsasaka.

Ayon naman kay Sen. Cynthia Villar, na dumalo rin sa summit, wrong timing ang pagdating ng mga inangkat na sibuyas dahil panahon na ng anihan.

Kaya muli ring iginiit ni Villar na naniniwala siyang minamanipula ng ilang smuggler at trader ang supply ng sibuyas. 

Para kay Villar, dapat balikan ang usapin kaugnay sa large-scale agricultural smuggling at amyendahan ang batas para matugunan ito.

Samantala, ayon sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), narito ang presyo ng kada kilo ng sibuyas sa mga palengke sa Metro Manila:

  • Commonwealth Market (Quezon City) - P250-P280
  • Las Piñas - P280-P300
  • Muñoz Market (QC) - P220-P300
  • Pritil (Maynila) - P300
  • Malabon - P200-P250
  • Mega Q Mart (QC) - P260-P300
  • Marikina - P280-P350
  • Pasay - P250-P270
  • Pasig - P260-P300
  • San Andres (Maynila) - P280-P290 

Sa ngayon, walang nakikita ang DA na shortage sa supply ng sibuyas.

"At this point in time wala tayong nakikitang shortage dahil sa harvest at coming imports," ani Agriculture Assistant Secretary Rex Estoperez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.