PatrolPH

Estudyante patay, 4 iba pa sugatan nang araruhin ng truck sa Cavite

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2023 05:22 PM | Updated as of Jan 24 2023 09:57 PM

Watch more News on iWantTFC

Patay ang isang estudyante habang 4 na iba pa ang nasugatan matapos araruhin ng isang truck sa loob ng Cavite State University sa bayan ng Indang nitong umaga ng Lunes.

Base sa imbestigasyon, pumarada ang closed van sa campus bago mag-alas-10 ng umaga para magbaba ng mga tubig na ide-deliver sa canteen pero bigla itong umandar.

"Sabi ng drayber dahil walang handbreak ito, ikinambyo nya ng reverse pero noong pagbaba nila ng tubig nakita na lang niya tumakbo... nabangga 'yong 5 estudyante," ani Maj. Edward Cantano, hepe ng Indang police.

Dahil pababa ang kalsada, mabilis umanong bumulusok ang truck na may 50 metro patungo sa mga estudyante, na hindi namalayan ang pag-andar ng sasakyan papunta sa kanila.

Pawang mga first-year students sa kursong biology ang mga biktima.

Naitakbo pa ang mga biktima sa ospital pero binawian ang buhay ang isa sa kanila habang patuloy na nagpapagaling ang iba.

Inihahanda na ang patong-patong na kaso laban sa driver.

Hindi pa nagbibigay ng pahayaga ang pamunuan ng Cavite State University pero tumutulong na sila sa mga pamilya ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.