PatrolPH

Traffic enforcer na nagsauli ng nalaglag na wallet nag-viral, pinarangalan

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2021 07:56 PM

Traffic enforcer na nagsauli ng nalaglag na wallet nag-viral, pinarangalan 1
Tatlong taon nang nasa serbisyo bilang traffic enforcer si Richard Ballesteros. ABS-CBN News

Hinangaan ang isang traffic enforcer na nagsauli sa may-ari ng nalaglag na wallet na may perang nagkakahalagang P7,000 at mga credit card. 

Pinarangalan ang lalaki ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Mabalacat, Pampanga noong Biyernes. 

Enero 7 nang makita ng enforcer na si Richard Ballesteros ang wallet sa daan habang nagmamando ng trapiko sa Mabalacat. 

"Agad kong kinuha, sinave ko. Hindi ko na tiningnan iyong laman, iyong lisensya na lang, tapos bigla akong pumunta dito, sa mga head namin du'n ko po sinurrender,” ani Ballesteros. 

Ayon kay Ballesteros, hindi ito ang unang beses na may isinauli siya ng mga naiiwang gamit sa kaniyang 3 taong serbisyo bilang traffic enforcer. 

Nang ipost sa social media, maraming netizens ang nagpaabot ng paghanga sa traffic enforcer na nasubok ang katapatan sa kabila ng kahirapan ng buhay na dala ng pandemya.

Pinarangalan ng lokal na pamahalaan ng Mabalacat City at binigyan ng cash reward si Ballesteros, na ginawa ring casual employee ng City Hall. — Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.