MAYNILA - Habang paparami umano ang evacuees sa Batangas, umuunti naman ang bilang ng relief goods na naipapamahagi sa ilang lugar, ayon sa mga namamahala sa evacuation centers ng mga apektadong bayan.
Sa bayan ng Tuy, tinatayang 4 hanggang 5 araw na lang ang itatagal ng suplay ng relief goods, ayon kay Jackie De Taza, coordinator ng evacuation center sa lugar.
"Ang supply po namin siguro pang-4 or 5 days na lamang. Hindi kami tumatanggi kaya lang po kailangan din namin ng donation talaga," ani De Taza.
Nasa 6,000 ang evacuee sa Tuy at dumami ang kanilang mga evacuee dahil sa lockdown sa ilang bayan.
Humihingi na rin umano ng tulong sa kanila ang mga residenteng kumupkop ng mga evacuee.
"Andiyan 'yong wala kang privacy. 'Yong tubig, kuryente, siguro sa ngayon nakakasurvive and kapag one month, two months, three months, nagkaka-problema," ani De Taza.
Hanggang Linggo o Lunes na lamang ang stock ng pagkain ng mga evacuee sa bayan ng Alitagtag, ayon sa isang opisyal nito.
Ito umano ay dahil kakaunti na lamang ang kanilang natatanggap na donasyon, ayon kay Alitagtag Municipal Office coordinator Lorna Catibog.
"Ramdam na po namin ang critical na kondisyon. Parami ang evacuees at paunti naman po ang nagdo-donate. Stress namin 'yong pag-handle ng mga evacuee ngayon," pahayag ni Catibog.
Nakiusap ang Batangas social welfare office sa mga donor na tumawag muna sa donation hub imbis na direktang magbagsak ng donasyon sa mga bayan.
-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, Niko Baua, Taal relief goods, relief operations