P3.5-milyon halaga ng ‘shabu’ nasamsam sa Negros Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2020 05:37 AM

NEGROS OCCIDENTAL - Nabawi sa tinutuluyang apartment ng magbayaw na babaeng target sa joint buy-bust operation ng Silay City Police at Talisay City Police ang mahigit sa kalahating kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P3.5 milyon Miyerkoles ng hapon sa Barangay Zone 10, Talisay City.

Dagdag ng mga awtoridad, ang supply ng droga ay nakatakda umanong ibenta sana sa taunang selebrasyon sa ilang lugar sa probinsya.

Tatlo pang lalaki na tinuturong kasamahan ng mga suspek ang nahuli sa buy-bust.

Lumabas sa imbestigasyon na isang linggo pa lang ang nakakalipas mula nang nanuluyan sa apartment ang mga suspek kaya hindi gaanong napag-alaman ng may-ari at ilang mga residente ang ilegal nilang gawain.

Ayon naman kay Negros Occidental Police Provincial Director Police Col. Romeo Baleros, kasapi ng isang drug group ang mga hinuli.

Naniniwala si Baleros na naipuslit ang supply ng droga dahil hindi umano ganoon kahigpit ang pagbabantay sa mga seaport.

Kaya nanawagan ang opisyal sa mga tagapamahala ng seaport na lakasan ang pagpapatupad ng checkpoint upang maiwasan makapasok ang iligal na droga sa lalawigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.