Negosyante sa Cagayan de Oro timbog sa paggawa umano ng pekeng pera

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2020 09:02 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Arestado ang isang negosyante sa kaniyang modus na paggawa umano ng mga pekeng pera matapos masamsam sa loob ng kaniyang bahay sa Barangay Tablon sa lungsod na ito ang mga pekeng P1,000 at printing equipment.

Ayon sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group, taga Bangko Sentral ng Pilipinas ang unang nakatanggap ng impormasyon tungkol sa modus ng suspek noong nakaraang taon.

"Pumunta ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa Cagayan de Oro para magsagawa ng surveillance sa suspek. Matapos silang nakakuha ng impormasyon, saka sila pumunta sa [CIDG] para magpatulong sa operasyon," sabi ni Police Lt. Noel Oclarit, team leader ng CIDG-Misamis Oriental.

Nasamsam sa loob ng bahay ng suspek ang isang baril at mga bala, printing equipment, at 129 piraso ng pekeng P1,000 na pera.

Pinaniniwalaan din na gumagawa ng pekeng ID ang suspek.

Itinanggi naman ng pamilya ng suspek ang mga paratang sa kaniya.

Maliban sa kasong illegal possession of firearms and ammunition, sasampahan rin ang suspek ng paglabag sa Article 168 (Illegal Possession of False Treasury or Bank Notes), Article 166 (Forging Treasury or Bank Notes), at Article 176 (Possession of Instruments or Implements for Falsification) ng Revised Penal Code.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.