Negosyante patay sa pananambang sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2020 04:27 PM

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang sinasakyan niyang kotse sa Paombong, Bulacan ngayong Huwebes.

Kinilala ni Maj. Agustin Joseph, hepe ng Paombong police, ang nasawi bilang si Bernardo Umali, 49, isang negosyante mula sa karatig-bayan ng Hagonoy.

Nasugatan naman ang kaibigan ni Umali na si Ma. Corazon Endo habang wala namang tama ng bala ang 4 na taong gulang na kasama nila, ayon kay Joseph.

Sakay ng SUV ang mga biktima at pauwi ng kanilang bahay sa Hagonoy nang pagbabarilin ng mga salaring nakasakay ng motorsiklo, ani Joseph.

Posible umanong sinundan talaga ng riding-in-tandem ang mga biktima.

Inaalam na ng pulisya kung may kaugnayan sa negosyo ni Umali ang pananambang.-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.