Meralco inakusahan ng sobrang paniningil sa mga kostumer

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2020 06:02 PM | Updated as of Jan 23 2020 09:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inakusahan ng isang dating commissioner ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco ng "overcharging" o sobrang paniningil ng kuryente na aabot umano nang hanggang P50 bilyon sa loob nang higit isang dekada.

Pero itinanggi ng Meralco ang paratang at iginiit na dumadaan sa ERC ang lahat ng sinisingil nila sa mga kostumer.

Ayon kay dating ERC commissioner Alfredo Non, teknikal ang isyu na nakasentro sa asset valuation o halaga ng ari-arian at pasilidad na binili ng Meralco, na binabawi sa milyon-milyong kostumer sa pamamagitan ng buwanang singil sa kuryente.

Sa pagtataya ni Non ay nasa P40 bilyon hanggang P50 bilyon ang na-overcharge umano ng Meralco mula 2003 hanggang 2019.

Ayon pa kay Non, konektado rin ang paggamit ng Meralco ng bill deposit o binayarang deposito ng kada kostumer sa isyu ng overbilling dahil ginagamit din umano ito ng Meralco kahit may capital allowance naman sila na aprubado ng ERC.

Dapat daw ibalik sa lahat ng kostumer ang deposito nila.

Sumulat din sa ERC si Non para gawing pormal ang reklamo.

Pinabulaanan naman ng Meralco ang mga paratang at sinabing handa nilang depensahan ang sarili sa oras na ipatawag ng ERC.

Lahat naman daw ng galaw ng Meralco ay aprubado ng gobyerno.

Hindi alam ng Meralco ang motibo ni Non pero handa naman silang magpaliwanag sa publiko kung kinakailangan. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.