Magniniyog pinatay dahil sa taya sa 'tong-its'

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2020 02:23 AM

LUPON, DAVAO ORIENTAL - Hustisya ang sigaw ng isang pamilya para sa kanilang ama na pinatay ng kapwa magniniyog umano sa Barangay Macangao, Lupon, Davao Oriental nitong nakaraang linggo.

Kapwa magniniyog ang biktimang si Edgardo Duran at suspek na si Romualdo Torres Sr. na nagkita sa isang lamayan at nagsugal.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagka-initan sina Edgardo at Torres dahil sa kulang na P12 na taya ng biktima na hindi binayaran.

Aminado ang asawang si Leah na sinuntok ni Edgardo si Torres at inawat na lang ng kanilang mga kaibigan.

Hindi alam ni Edgardo na nagtanim pala ng galit si Torres sa kanya at sumugod ito sa kanilang bahay.

Nagkita sila sa pugon na isang lutuan ng kopra, may kalayuan sa bahay ni Edgardo, at dito na nangyari ang pamamaril gamit ang isang improvised shotgun.

Tanging ang 14 anyos lang na anak ng biktima ang nakakita umano sa krimen.

"During sa incident miconduct dayon mi og hot pursuit so wala na namu naabtan ang suspek pero identified naman ang suspek so among gifile ang kaso" ayon kay Police Maj. Kenneth Lador, hepe ng Lupon police.

(Nagsagawa agad kami ng pursuit operation pero hindi na namin naabutan ang suspek pero identified naman ang suspek kaya nagsampa na kami ng kaso.)

Magsasampa ng kasong murder ang mga pulis laban kay Torres.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.