Lalaking namaril ng kababata dahil sa naipong sama ng loob, arestado

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2020 09:59 AM

MAYNILA - Arestado ang Top 2 most wanted person na si Jay-Ar Concepcion, 26, nang abutan siya ng intelligence police investigation unit ng Manila Police District Miyerkoles ng gabi sa Tondo.

Nagtatago na si Concepcion nang 5 buwan sa bahay ng kamag-anak sa Barangay Bayan-bayanan, Malabon matapos patayin ang kababata matapos makipaglamay.

Ayon kay Police Capt. Jervies Soriano mula sa Manila Police, matagal na umanong may alitan ang magkaibigan. Magkakilala na sila umano simula pagkabata at naipon ang sama ng loob dahil sa mga alitan.

Batay sa medicolegal report, ikinamatay ng biktima ang tama ng bala sa katawan.

Aminado naman ang suspek na may dala siyang baril noon na hiniram lang n'ya umano sa kaibigan.

Dagdag pa ni Concepcion, dumepensa lamang siya kaya nabaril ang biktima.

“Pinagtanggol ko lang sarili ko kaysa ako mamatay. Inunahan ko lang. May baril din ‘yon, ‘di lang kita sa video. Kada makikita ako lagi akong tinatawanan tapos inaambahan lang ako,” aniya.

Haharap sa kasong murder ang suspek. -Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.