Iba't ibang bansa nakaalerto para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus mula China

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2020 07:11 PM | Updated as of Jan 27 2020 05:32 PM

MAYNILA — Sa pinakahuling tala, 17 na ang patay sa China sanhi ng isang coronavirus na nagmula sa lungsod ng Wuhan at ngayon ay kumalat na sa iba't ibang panig ng daigdig.

Nasa level 2 na ang public health emergency sa Hubei province sa China, matapos itong makapagtala ng aabot sa 440 kaso ng coronavirus-related pneumonia, ayon sa People's Daily, ang opisyal na pahayagan ng Central Committee of the Communist Party of China.

Tinatawag ng mga awtoridad ang sakit na 2019 novel coronavirus (2019-nCoV). 

Naiulat din na nasa 2,500 ang under medical observation matapos magkaroon ng contact sa mga may virus.

Para maiwasan ang pagkalat ng virus, ipinag-utos na ng mga awtoridad sa Wuhan ang pagsusuot ng face mask lalo na sa mga pampublikong lugar.

Nagtayo na rin ng checkpoints sa entry at exit points ng Wuhan kung saan kukunin ang temperatura ng mga lalabas ng siyudad.

Pinatigil na rin ang mga biyahe ng tren, bus, subway, at ferry simula alas-10 ng umaga nitong Huwebes kaya apektado ngayon ang pamumuhay ng nasa 11 milyong residente ng Wuhan.

Sa kabila ng mga hakbang na ito, ang virus ay kumalat na hanggang Beijing, Shanghai, Macau at Hong Kong.

MGA BANSANG APEKTADO 

May 4 na ring kaso ng virus sa Thailand, habang may tig-1 kaso sa Taiwan, South Korea, Japan, at Washington sa Amerika.

Ang mga airport ng Atlanta, Chicago, San Francisco, Los Angeles, at New York, nagsasagawa na ng mahigpit na screening sa mga pasahero mula China.

Sa Los Angeles airport, dumadami ang mga pasaherong nakasuot ng face mask.

Ang mga galing ng Wuhan, agad na dinadala sa isang screening area kung saan sila oobserbahan.

Wala pa namang kaso ng virus sa Los Angeles pero sa kalapit na state ng Washington nakita ang unang kaso sa isang lalaki na kamakailan lang ay bumiyahe ng Wuhan.

Labing anim sa mga nakasalamuha nito ang under observation ngayon.

Ang Russia at United Kingdom, pinaigting na rin ang kanilang sanitary at quarantine controls. 

Ang Singapore at Saudi Arabia, nagpatupad na rin ng screening sa mga pasaherong dumarating mula China.

Sa North Korea, banned muna ang mga turista habang ang nakatakdang qualifying round ng boksing sa Wuhan para sa 2020 Olympics ay kinansela na.

MGA HAKBANG SA PILIPINAS

 

Samantala, inoobserbahan ngayon ng Aklan Provincial Health Office ang isang batang lalaking nilalagnat nang dumating sa Kalibo International Airport gabi ng Miyerkoles mula Nanjin, China. 

Ayon sa provincial health officer, may travel history sa Wuhan ang bata kaya agad itong in-admit sa ospital. 

Ngayong Huwebes, nanumbalik na ang normal na temperatura ng bata at naipadala na sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang kaniyang sample para sa confirmatory test upang malaman kung 2019-nCoV nga ito. 
 
Ang flight attendant naman na piniling mag self-quarantine dahil sa sintomas ng sakit, nakalabas na rin ng ospital. 

Ang pamilyang dumating naman noong Miyerkoles mula Hong Kong na sinasabing may exposure sa 2019-nCoV ay nakausap na ng health officials.

"The epidemiology bureau has already contacted them. None are suffering from illness so there’s no need to hold them in isolation," sabi ni Health Undersecretary Eric Domingo. 

PAMANTAYAN 

Ang tanong ng ilan, paano nakalusot ang mag-anak sa quarantine officers? 

May apat na criteria na tinitingnan para maituring na person under investigation ng mga awtoridad. 

  • Kung may travel history mula China lalo-lalong na sa Wuhan
  • Kung nagtatrabaho sa ospital sa Wuhan
  • Kung na-expose sa isang taong positibo sa sakit
  • Kung nagpapakita na ng senyales ng respiratory illness

Paliwanag ni Domingo, kailangan tingnan ang mga ito dahil maraming uri ng coronavirus. 

"There are 6 known coronaviruses. Of the 6, four are very mild. And there are 2 that can be deadly, SARS and MERS. What we have now is the 7th coronavirus of 2019," ani Domingo. 

Ang World Health Organization, sinabing ipagpapaliban muna nila ang pagdeklara sa 2019-nCoV bilang isang public health emergency of international concern dahil kailangan pa raw nila ng karagdagang impormasyon. 

—Ulat nina Raphael Bosano at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.