DOLE nagpaalala sa Chinese New Year holiday pay

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2020 01:23 PM

Pinaalalahanan ngayong Huwebes ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer ukol sa holiday pay na dapat matanggap ng kanilang mga tauhang papasok sa Sabado, Chinese New Year.

Idineklarang special non-working day ang Enero 25 sa ilalim ng Proclamation No. 855.

Lahat ng mga empleyadong papasok sa Chinese New Year ay dapat makatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang basic wage sa unang 8 oras ng pagtatrabaho, ayon sa Labor Advisory No. 2 inilabas ng DOLE noong Enero 20.

Kapag lumagpas sa 8 oras o nag-overtime, dapat bayaran ang empleyado ng 30 porsiyento ng kanilang hourly rate.

Para sa pagtrabaho sa special day na pumatak din sa rest day ng manggagawa, dapat silang makatanggap ng karagdagang 50 porsiyento ng kanilang basic wage para sa unang 8 oras ng pagtatrabaho.

Para sa overtime na trabaho sa holiday na kasabay din ng rest day, dapat bayaran ang empleyado ng dagdag na 30 porsiyento ng kanilang hourly rate.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.