Bar sa Makati na may 'malaswang' pagtatanghal nilusob; 31 babae nasagip

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2020 04:33 PM

MAYNILA — Sinalakay ng mga awtoridad nitong Huwebes ang isang bar sa Barangay Palanan, Makati City na umano'y may malaswang mga pagtatanghal ng kababaihan. 

Pagpasok ng mga pulis sa loob, mapapansin ang madilim na paligid at bukod tanging ang entablado lang ang may ilaw. 

Agad na nagpakilala ang mga operatiba at tinipon ang mga babae na nagtatrabaho sa bar. 

"Two weeks ago binigyan tayo ng information but we have to validate them. Kinonfirm nga nila na may mga nude show sila dito which is in violation of city ordinance," ani Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati police. 

Na-rescue ng mga pulis ang nasa 31 babae na nagtatrabaho sa bar.

Itinanggi ng mga babae na may nangyayaring extra service at pagsasayaw nang hubad sa kanilang pinapasukang bar. 

Natuklasan naman ng Makati police na wala palang business permit ang naturang establisimyento.

Dinala ang 31 na-rescue na mga babae, 15 tauhan ng bar, at 24 na parokyano sa Makati police headquarters para isailalim sa profiling. 

Ipasasara ang bar dahil sa kawalan ng dokumento para mag-operate. 

—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.