107 anyos na lola, tinaguriang 'oldest survivor' ng Taal eruption

Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2020 11:36 PM

BATANGAS—Kinilala bilang “oldest survivor" ng mga pagsabog ng Taal ang 107 anyos na si Matilde Alcantara mula nang ipanganak siya noong 1912 hanggang ngayon taong 2020.
 
Sa maliit na apartment sa Barangay San Roque, Bauan, Batangas, pansamantalang tumutuloy ang pamilyang Alcantara kasama ang apat na iba pang pamilya mula Taal, Batangas na lumikas dahil sa pag-aalboroto ng bulkang Taal.
 
Kwento ni lola, kumpara sa 1977 eruption, pinakamatindi ang pagsabog ng Taal noong 1965 dahil nasa 200 residente ng volcano island ang namatay.

“Maraming-marami ‘yong namatay na tao sa pulo, hindi umalis, primero pumutok na ‘yon pinaaalis ang mga tao ‘don hindi umalis… bigla ang putok na ‘yon,” ani Alcantara.
 
Bahagya mang bumaba ang naitatalang aktibidad ng Taal, nagbabala pa rin siya sa mga kababayan na nagpupumilit na pumasok sa danger zone.
 
“Hay naku anong klaseng bundok na ‘yan hindi maaaring hindi puputok sa karamihan 'don ng tao … basta ako natawag sa panginoong Diyos ‘don sa patron sa amin San Martin at sa Caysasay …sabi ko tumigil kawawa ang taong Pilipino” dagdag ni lola.
 
Sabi ni Nelly Alcantara, nababagot man ang kanyang ina, dito na lang muna raw sila sa maliit na apartment habang hindi nagbibigay ng pahintulot ang Phivolcs na sila ay makauwi. Nagpasalamat din sila sa pamilya Dalangin na kumukop sa kanila.
 
“’Yong lahat na gusto nilang malaman ng pagkaparito ay ‘di gina-guide namin,” ani Manny Dalangin, miyembro ng pamilyang kumupkop kina lola Matilde.
 
“Talagang iba ang family ties naming mga Batangueño akalain mo kahit sikip na sila nagtitiis sila ‘wag lang sila magkahiwahiwalay,” ani Leodegario Dalangin, isa rin sa mga kumupkop sa pamilyang Alcantara.
 
Matapos makita sa social media, marami ang nangungumusta kay Lola Matilde na nais tumulong. Sapat ang natatanggap na tulong ng pamilya Alcantara sa lokal na pamahalaan pero sana raw ay mailatag agad ng pamahalaan ang rehabilitation plan para mabilis din silang makabangon sa kalamidad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.