Higit 100 pamilya sa Maynila nasunugan

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2020 05:27 AM | Updated as of Jan 23 2020 08:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Natupok ang ilang mga bahay sa isang sunog Huwebes ng madaling araw sa Lico Street, Barangay 210, Tondo, ayon sa Manila Fire District.

Nagdeklara ng fire out ang mga bumbero 6:06 ng umaga. 

Ayon kay Manila District Fire Marshal Sr. Supt. Rodolfo Denaga, nahirapan ang mga bumbero na maapula agad ang sunog dahil sa kakulangan ng water supply. Isa lang kasi ang fire hydrant sa lugar na pagkukuhaan ng tubig.

Hindi rin masyadong makagalaw ang mga bumbero matapos sumikip ng espasyo sa kalsada dahil sa dami ng mga naparada sa gilid nito. Sinasalubong din sila ng mga residente na nagsasalba pa ng kanilang gamit. 

Sa tala ni Denaga, mahigit 109 bahay ang natupok ng apoy na nagkakahalaga ng P1.5 milyon. Apat na lalaki ang nagtamo ng mga minor injuries na agad namang nalapatan ng paunang lunas.

Sa tala naman ni Wilberto Rico Neil Kwan Tiu, Regional Director Bureau of Fire Protection (BFP) NCR, aabot sa 5 ang nasugatan at 120 pamilya ang apektado ng sunog. Dagdag pa ng ulat ng opisyal, 75 bahay ang natupok. 

Sa paunang imbestigasyon ng BFP Manila, nagsimula ang sunog sa ika-4 na palapag na bahay ng isang residente.

Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng mopping operation ang mga bumbero at inaalam na ang pinagmulan ng sunog. -Ulat nina Lady Vicencio at Fred Cipres, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.