Recruiter na nambibiktima ng mga nais mag-seaman timbog

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 07:56 PM | Updated as of Jan 23 2019 09:04 PM

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Human Trafficking Division ang isa umanong illegal recruiter na target ang mga fresh graduate na nais mag-seaman. 

Ikinasa ang entrapment operation laban sa suspek na si Jervin Asuncion sa tulong ng isa niyang biktima na si alyas "Dale." 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ani Dale, sinisingil siya ni Asuncion ng P15,000 bukod pa sa naunang P60,000 ibinayad niya dito.

Sa isang karinderya nitong Miyerkoles, ganap nang natimbog si Asuncion nang tanggapin ang bayad ni Dale. 

Kuwento ng biktima, pambayad daw iyon ni Asuncion sa kapitan para siya ang piliin sa international liner. 

Makakalayag daw siya pagkatapos ng tatlong buwan, pero lumipas ang anim na buwan ay hindi pa rin siya nade-deploy.

"Siyempre masama ang loob namin dahil inipon pa ng tatay ko 'yang pera tapos mapupunta lang sa wala. Inutang pa," hinaing ni Dale.

Sa imbestigasyon, lumalabas na hindi lisensiyadong recruiter si Asuncion. May dala pa siyang pekeng ID para ipakitang isa siyang marine engineer. 

Pag-amin niya, nautusan lang daw siyang mag-recruit ng mga fresh graduate, lalo't isa rin siyang aplikante.

"Alam kong bawal pero gusto ko rin makaalis kaya tumutulong ako," depensa ng suspek.

Sa eskuwelahan sa Ilocos ay 30 iba pang mga graduate ang nagtiwala at naloko ni Asuncion, ayon sa mga awtoridad. 

Nag-abiso naman muli ang NBI na i-check sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kung lehitimo ang recruitment agency o tauhan nito.

Kakasuhan si Asuncsion ng kasong illegal recruitment at falsification of public documents. —Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.