Nanay na isinasama umano ang anak sa pagtutulak, arestado

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 05:54 AM | Updated as of Jan 23 2019 06:41 AM

Watch more in iWantTFC

CAVITE - Arestado ang isang babae sa buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite Martes ng hapon.

Nakuha mula sa suspek ang higit 20 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P150,000.

Nasagip naman ng mga pulis ang anak ng suspek na isinasama umano nito sa pagtutulak.

"Para pang-cover ang bata para 'di mahalata. Kung may checkpoint, 'di duda kasi may bata," ani Supt. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Isinagawa ang operasyon sa labas ng isang supermarket sa Barangay Molino 2. Modus umano ng suspek ay sa loob ng kaniyang sasakyan gagawin ang palitan ng droga.

"Ayaw mag-transact kapag 'di papasok sa sasakyan. Gusto niya sa malaking supermarket. Kung may pulis, madali ma-identify," dagdag ni Cabatingan.

Nasa drugs watch list ng siyudad ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nasa ilalim naman ng pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dalagita. - ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.