Nagpanggap na bombero timbog sa pagtangay ng fire extinguisher

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 07:24 PM

Timbog ang isang lalaki matapos magnakaw ng fire extinguisher sa isang government office sa Makati City noong nakaraang linggo. 

Sa kuha ng CCTV sa naturang opisina noong Huwebes ng umaga, makikita ang lalaking nakaputing t-shirt, sombrero, at may dalang backpack na pumasok sa gusali.

Maya-maya, biglang tinapatan ng lalaki ang fire extinguisher, tila binasa ang nakasulat, bago tuluyang kinuha.

Sa kuha ng isa pang kamera, kitang bitbit ng lalaki ang fire extinguisher at dumaan pa sa tapat ng guwardiya palabas ng gusali pero hindi ito sinita.

Pero hindi pa nakuntento ang suspek at matapos maibenta ang naunang ninakaw na fire extinguisher, bumalik ito sa opisina para kumuha ng isa pa pero doon na ito pinaaresto.

Ayon sa mga pulis, nagpanggap pala na bombero ang suspek na kinilalang si Riel Pascual kaya siya pinapasok ng mga guwardiya.

"Nagpanggap siya na from Bureau of Fire Protection (BFP), at sinabi nga na magre-refill lang siya, mag-i-inspect siya ng mga fire extinguisher at ire-refill niya 'yung mga expired na," ani Senior Superintendent Rogelio Simon, hepe ng Makati police.

Kasama sa mga nakuha kay Pascual ang isang replica ng baril.

"Nagsisisi po ako... Gusto kong humingi po ng tawad kasi hindi ko naman po sinasadya 'yung nangyari," anang suspek.

Kinasuhan na ng theft at paglabag ng Omnibus Election Code ang suspek dahil sa umiiral na gun ban. 

Plano namang siyasatin pa ng pulisya ang ibang krimeng kinasasangkutan ng suspek.

"Itong suspek labas-masok na sa rehab center, so tsine-check natin 'yung ibang involvement niya... Lalo’t gumagamit siya ng replica ng baril. 'Yung pagpapanggap niya marami siyang maloloko... Baka ito nagpanggap din na pulis," ani National Capital Region Police Office chief Director Guillermo Eleazar.

—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.