Mga magulang ng mga batang nahuli sa Navotas drug den kakasuhan

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 03:06 PM

Balak sampahan ng kaso ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga magulang ng 12 menor de edad na naaktuhan sa buy-bust operation sa iba't ibang drug den sa Navotas City noong nakaraang Enero 16. 

Maaalalang inaresto ang 28 indibidwal, kabilang ang 12 menor de edad, sa tatlong drug den sa Navotas fish port matapos ang halos isang buwang paniniktik ng mga awtoridad sa lugar. 

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, ang mga magulang ng mga bata ay mahaharap sa paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Giit ni Aquino, ang "child neglect" o pagpapabaya sa kabataan ay isang uri ng "pang-aabuso."

Kailangan aniya na pagpaliwanagin ang mga magulang kung bakit hindi nila naprotektahan ang kanilang mga anak laban sa pang-aabuso, eksploytasyon, at diskriminasyon.

Ang 12 menor de edad ay dinala sa Bahay Pag-asa ng Navotas City. 

Babala ni Aquino, kapag napatunayan na ang magulang ay pinuwersa na masangkot ang kanilang anak sa illegal drug trafficking, may katapat itong parusa na pagkakakulong na hindi bababa sa anim hanggang walong taon.

Nauna nang itinaggi ng ilang magulang ng mga bata na sangkot sila o kanilang pamilya sa kalakaran ng droga. 

Pero nanindigan ang PDEA na huli sa akto ang mga batang nasagip na ginagamit bilang runner ng droga, tagabantay ng drug den, o bumabatak mismo sa drug session.

SIBAK

Samantala, tatlong pulis naman sa Navotas ang sinibak dahil sa umano'y pamamayagpag ng ilang menor de edad na drug couriers, patunay daw ang raid noong nakaraang linggo. 

Mismong si Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang nag-utos na tanggalin sa puwesto sina Inspector Resty Descalzo, commander ng Police Community Precinct 3; PO3 Randy Belly; at PO1 Jejomar Padasas ng Navotas Station Intel Branch.

Ayon kay Albayalde, hindi raw katanggap-tanggap na nangyayari ito sa kanilang hurisdiksiyon nang hindi nila nalalaman. —Ulat nina Zhander Cayabyab at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.