CAGAYAN DE ORO CITY - Sabay-sabay na nagsindi ng kandila at nanumpa ang mga child advocate at non-government organization sa Kiosko Kagawasan, Cagayan De Oro City Martes ng gabi.
Simbolo ito ng kanilang pagtutol sa inaprubahang panukalang batas sa House Committee on Justice na babaan sa 9 anyos mula sa 15 ang edad ng mga kabataan ng puwedeng papanagutin sa mga krimen.
Inihalintulad ng City Council for the Protection of the Chidren sa 'dough' ang mga kabataan na kailangan pa ng gabay ng nakakatanda para hulmahin ang kanilang asal.
Hindi pa raw sapat ang edad na 9 para magdesisyon sa kanilang sarili.
"We are addressing the children's right and one of the rights that every child must enjoy is to protect the child. How can we protect the child if the government themselve is not protecting," ani Iluminada Domingo, vice chairman ng City Council for the Protection of the Chidren.
Para naman sa grupong Balaod Mindanaw, kung gusto ng Kongreso na solusyunan ang paggamit ng mga kabataan sa mga krimen, dapat ang mga sindikato ang papanagutin at hindi ang mga bata.
"Kung ginagamit ng mga sindikato ang mga bata for certain crimes 'di taasan natin ang penalty sa mga sindikato, hindi sa mga bata kasi walang study all over the world na nagsasabi na at the age of 9 ay capable na mag-discern ang mga bata," ani Atty. Perfecto Mendoza, legal officer ng Balaod Mindanaw.
Sumali rin sa pagtitipon ang Commission on Human Rights (CHR) at sinabing hindi sapat ang pasilidad ng gobyerno gaya ng Bahay Pag-asa para i-rehabilitate ang mga child in conflict with the law (CICL), lalo na kung ibababa pa ito sa 9 anyos.
Sa Northern Mindanao, meron lang 2 Bahay Pag-asa habang kasalukuyan pang itinatayo ang sa Cagayan de Oro.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Regional news, Tagalog news, protest, prayer, rally, child advocate, non-government organization, NGO, juvenile delinquency, age of criminal responsibility