'Mga bata di isasama sa karaniwang kulungan para sa matatanda'

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 03:04 PM | Updated as of Jan 23 2019 03:57 PM

Watch more in iWantTFC

Kamakailan ay lumusot sa House justice committee ang House Bill No. 505, o ang panukala tungkol sa pagbaba sa edad ng pananagutan o age of criminal liability, na layong papanagutin sa batas ang mga batang 9 anyos, mula sa orihinal na 15 anyos. 

Pinangangamabahan ito ng ilang eksperto lalo na't nakataya umano rito ang mental o psychological health ng bata sa pagkakataong makulong sila. 

Pero iginiit ni Atty. Claire Castro na hindi masasama sa mga karaniwang kulungan ang mga kabataang saklaw ng pinapanukalang pagbaba ng age of criminal liability.

Sa halip ay ipapasok ang mga kabataan sa mga "reformation center" na pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan maaari silang turuan ng mga magagandang asal. 

"It's more of iko-custody sila sa mga institution na magre-reform," aniya sa "Usapang de Campanilla" ng DZMM. 

Dagdag niya na dati na ring nanagot ang mga 9 anyos sa batas sa ilalim ng Revised Penal Code, bago ito maitaas sa 15 anyos sa ilalim ng Republic Act 9344 o "Juvenile Justice Welfare Act" na ipinasa ni dating Senador Francis "Kiko" Pangilinan noong 2006. 

"Ibabalik lang naman [ang dating batas], the earlier na maturuan mo 'yung bata na huwag kang gumawa [ng mali], mas mayroong takot, mas mayroong fear," ani Castro. 

Dagdag niya na paparusahan lamang ang mga ito kung alam ng bata na mali ang kaniyang ginagawa. 

Inihalimbawa niya ang viral video tungkol sa mga estudyanteng nangangalikot umano ng fire alarm sa Palawan State University.

"Sabihin natin sige, kung wala mang batas tungkol sa fire alarm 'yan. Wala namang sunog at nothing to be alarmed. Tama ba sa sarili mo na gawin ito? Pagkagawa natin na kunware 15 years old ito nawawala 'yong takot [ng bata]," aniya. 

Para kay "Usapang de Campanilla" host Mare Yao, kaakibat dapat ng pagsasabatas nito ang pagpapaganda ng mga naturang reformation centers para masiguradong hindi sa kulungan ang hantungan ng mahuhuling kabataan. 

"Hindi dapat sila mapunta sa mga ordinaryong kulungan pero gandahan din ang form of rehabilitation [sa kanila]," aniya. 

Naunang nabanggit ng Commission on Human Rights (CHR) sa isang pagpupulong na 58 Bahay Pag-asa facilities pa lamang sa 114 kinakailangang pasilidad ang naipapatayo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.