Mayor ipoprotesta ang resulta ng plebisito sa Cotabato City

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 06:18 PM | Updated as of Jan 23 2019 08:32 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATED) Maghahain ng protesta si Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi laban sa resulta ng plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa kanilang lungsod.

Ito ay matapos manalo ang botong "yes" sa canvassing ng mga boto sa lungsod, na nangangahulugang mapapabilang ang Cotabato City sa itatag na Bangsamoro region. 

Pero kinuwestiyon ni Sayadi ang resulta ng plebisito sa kanilang lungsod, lalo at tinakot aniya ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang mga botanteng tutol sa BOL kaya hindi na lang daw bumoto ang mga ito.

"We are filing a protest," sabi ngayong Miyerkoles sa ABS-CBN News ni Sayadi, na tutol na mapabilang ang Cotabato sa bubuuing rehiyon.

"There was really massive disenfranchisement, cheating all over the city," dagdag ng alkalde.

Sa resulta ng canvassing sa Cotabato City, 36,682 ang bumoto ng "yes" habang 24,994 ang bumoto ng "no" para sa BOL.

Ayon kay Siyadi, hindi sinasalamin ng resulta ng plebisito ang gusto ng mga residente ng Cotabato.

"From the threats the teachers received, to the grenades to scare the voters, to the thousands of MILF supporters who blocked the real voters, to the violence in some areas, to the massive disenfranchisement," dagdag ni Sayadi tungkol sa mga naging problema sa plebisito sa lugar niya. 

Isang granada ang sumabog sa may bahay ng isang judge sa Cotabato City noong Linggo, bisperas ng botohan. Natagpuan naman ang isa pang granada malapit sa isang poll center noong umaga ng botohan noong Lunes.

Nauna nang itinanggi ni MILF Chair for Political Affairs Ghazali Jaafar na sila ay nanakot ng mga botante.

Itinuturing naman ni MILF Chairman Al Hajj Murad Ebrahim na biyaya ang pagkapanalo ng "yes" sa Cotabato City.

"We are also very thankful to the people na talagang nakita namin na there was a very overwhelming support, even during the campaign," ani Murad.

 'CLERICAL ERROR' SA PLEBISITO

Samantala, sinabi naman ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson Director James Jimenez na nagkaroon ng "clerical error" sa plebisito sa BOL sa Cotabato City.

Ito ay matapos lumabas na mas mataas ang kabuuang bilang ng boto kompara sa bilang ng mga rehistradong botante sa canvass report.

Ayon kay Jimenez, itatama na lang ang "clerical error" kapag isinagawa na ang national canvassing sa Maynila.

"Malinaw na nagkaroon ng clerical error sa pag-prepare ng canvass report," ani Jimenez.

Hindi naman daw maaapektuhan ng pagkakamali ang resulta ng plebisito, ani Jimenez.

Bukod sa Cotabato City, bumoto rin sa Bangsamoro plebiscite noong Lunes ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at Isabela City sa Basilan.

Sa final canvassing sa Sulu, nanaig ang "no" na nakalikom ng 163,526 boto habang 137,630 naman ang bumoto ng "yes."

Karamihan naman sa mga bumoto sa Maguindanao ay "yes."

Nanaig din ang "yes" sa mga bayan at Lamitan City sa Basilan. Mas marami naman ang bumoto ng "no" sa Isabela City.

Sa Biyernes iaanunsiyo ng National Board of Canvassers ang pinal na resulta ng plebisito.

Sa Pebrero 6 naman idaraos ang plebisito sa Lanao del Norte at ilang barangay sa North Cotabato. 

Kapag naratipika ang BOL, mabibigyan ang mga Muslim sa Mindanao ng mas malawak na kapangyarihang pamahalaan ang kanilang sariling rehiyon.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na umaasa si Pangulong Rodrigo Duterte na boboto ng "yes" ang mga residente at maipapasa ang BOL, na para sa pangulo ay magtatama sa "historical injustices" na naranasan ng mga Moro sa Mindanao.

-- May ulat nina Christian Esguerra at Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.