Lalaking nagbebenta ng pekeng dokumento, tiklo

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 07:43 PM

Samu't saring mga pekeng dokumento at ID ang nakumpiska mula sa suspek sa bayan ng El Nido. Larawan mula sa El Nido Police

PUERTO PRINCESA CITY – Timbog ang isang lalaki na gumagawa umano ng mga pekeng dokumento matapos arestuhin sa bayan ng El Nido, Miyerkoles ng madaling araw.

Nakumpiska rin mula kay Reynaldo Granda Ranes ng Barangay Tiniguiban ang mga dokumento at mga lisensiya na nakapangalan iba’t ibang mga indibidwal.

Sa ikinasang entrapment operation ng El Nido Municipal Police Station, napag-alamang gumagawa rin ng pekeng plaka ng sasakyan, at iba’t-ibang identification cards, kabilang na ang ID na iniisyu ng Commission on Elections ang suspek.

Hindi na rin nakatanggi pa ang suspek matapos na tanggapin ang marked money nula sa nagkunwaring buyer.

Nadiskubre rin na mula pa sa Muntinlupa City ang transaksyon na talamak na ibinebenta sa mga munisipyo.

Napag-alamang lider si Ranes ng Filipino Alliance Movement – Support Group o isang grupong nagsusulong ng kapayapaan, pagsugpo sa katiwalain sa bansa.

Dumaan na sa inquest proceedings ang pagsampa ng kasong falsification of documents laban sa suspek.

Maaaring makulong ng dalawang taon at apat na buwan hanggang anim na taon at pagmultahin ng mahigit sa P5,000 ang suspek sakaling mapatunayang nagkasala siya.

Pinaalalahanan rin ang mga tumatangkilik o gumagamit ng mga pekeng lisensya o dokumento na maaari rin nilang kaharapin ang parehong kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.