Construction worker patay dahil sa leptospirosis na posibleng nakuha sa septic tank

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 08:27 PM

DAVAO CITY - Patay ang isang construction worker dahil umano sa sakit na leptospirosis.

Hirap ang pamilya ni Reynaldo Saycon na tanggapin ang biglang pagkamatay nito noong Sabado.

Ayon sa live-in partner ni Saycon na si Nina Villarubia, pabalik-balik ang lagnat nito mula pa noong Disyembre. Pero noong nakaraang linggo lang sila nagpakonsulta sa doktor.

Hindi na umabot pa ng dalawang araw sa ospital si Saycon at binawian na ng buhay.

Wala namang naranasang pagbaha sa bahay ng biktima pero nagtrabaho umano ito sa isang septic tank bilang construction worker.

"Reklamo niya sakit iyang tiil... pag mag trabaho, naga-tsinelas lang gyud na siya," ani Nina.

(Reklamo niya, masakit ang paa niya. Pag nagtatrabaho, naka-tsinelas lang siya.)

Ayon kay Dr. Annabelle Yumang, ang Regional Director ng Department of Health XI, possibleng sa pinagtatrabahuang septic tank nakuha ni Saycon ang mga mikrobyo ng leptospirosis, lalo na't hindi nagsusuot ng boots ang biktima habang nasa lugar na puno ng dumi.

Payo ng DOH, agad na magpatingin sa doktor kung may ibang nararamdaman sa katawan at huwag balewalain ang lagnat.

Si Saycon ang pinakaunang suspected case ng leptospirosis sa Davao Region ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.