Commander Bravo, may hiling kay Duterte ukol sa BOL

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 02:16 AM

MUNAI, Lanao del Norte - Nakiusap ang isang opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kay Presidente Rodrigo Duterte na tulungan silang ikampanya ang kapayapaan sa Lanao del Norte.

Ayon kay Hadji Abdullah “Bravo” Macapaar, commander ng MILF North Western Mindanao Front, kung tunay na may dugong Moro ang pangulo, pasusuportahan nito sa militar, Commission of Elections (Comelec), at mga alkalde ang hinahangad nilang kapayapaan sa lugar.

Hiling din ni Macapaar na payagan ang kaniyang 10,000 MILF combatants na protektahan ang mga sibilyan para maayos na makalahok sa pulong-pulong at sa plebisito. 

Nakipagkita nitong Martes ang mga alkalde ng ilang lungsod sa Lanao del Norte kay Macapaar sa Camp Bilal matapos ang plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Marawi, Lanao del Sur.

Inihayag ni Macapaar na gusto nilang higitan ang bilang ng botong yes na nakuha sa Marawi. Pero aminado sila na hirap silang mangampanya dahil nangangampanya rin ang mga opisyal lalawigan ng "No to Inclusion" ng 6 na lungsod na gustong masali sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon kay Lucilo Omandam, miyembro ng Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Committee, hinaharass siya tuwing nangangampanya. 

“Nahirapan ako dahil ako lang isa na nangampanya ng yes to BOL. Noon may sumusunod sa akin na riding-in-tandem pero wala na ngayon. Noong nagsimula akong mangampanya, dun na may sumusunod sa akin,” sabi niya.

Ang alkalde naman ng bayan ng Maigo na si Rafael Rizalda, nangampanya pabor sa BOL kahit ilang dekada silang naging magkaaway ni Macapaar dahil sa kaibahan ng kanilang paninindigan. 

Naging daan ito para sa wakas ay magkaayos sila at magkita sa personal. Matatandaan na nagkahamunan sila noon matapos atakehin ng MILF ang bayan ni Rizalda. 

“Nakita kasi natin ang pagiging sinsero ng kanilang hangarin. Kung 'di lang mabahiran ng politika, madali lang talaga sanang pagkasunduin ang mga Muslim at Kristiyano sa Lanao del Norte,” aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.