Bagong panukala ng Kamara: 12 anyos para mapanagot sa krimen ang bata

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 06:06 PM | Updated as of Jan 23 2019 08:14 PM

Panukala aprubado sa ikalawang pagbasa 

Inaprubahan ngayong Miyerkoles sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang isang panukalang batas na layong ibaba sa 12 anyos ang minimum age of criminal liability.

Watch more in iWantTFC

Mula sa kasalukuyang 15 anyos, ibinababa ng House Bill No. 8858 sa 12 anyos ang edad ng batang maaaaring managot sa batas kapag siya ay nakagawa ng krimen, sa halip na siyam na taong gulang na nasa naunang panukalang inaprubahan noong Lunes ng House justice committee.

Ayon kay House justice committee chairman Rep. Doy Leachon, ang pagbabago ay base sa consensus ng mga kongresista.

“So there was a consensus, ang sabi nila gusto niyo sa 15? Ayaw nila. Gusto nila sa 9, maraming may reservations. Where can we have a compromise to have this bill passed?” aniya. 

Binago rin sa nirepasong panukala ang salitang "criminal" at pinalitan ito ng "social responsibility." 

Layon ng panukalang repasuhin ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 kung saan 15 anyos ang edad ng pananagutang kriminal. 

Umani ng batikos mula sa iba't ibang kongresista, grupo, at kawani ng gobyerno ang naunang panukala dahil wala pa umano sa tamang wisyo ang mga batang edad siyam, at hindi pa handa ang mga reformation centers kung saan ilalagay ang mga batang sangkot sa krimen. 

-- May ulat nina RG Cruz at Zandro Ochona, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.