2 menor de edad patay sa aksidente sa Zamboanga City

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 09:51 PM

ZAMBOANGA CITY—Patay ang isang 15 anyos na lalaki at kasama nitong 8 anyos nang maaksidente ang sinasakyang motorsiklo sa Purok 2, Barangay Sinubong sa lungsod na ito Miyerkoles.

Ayon sa paunang pahayag ng Zamboanga City Police Office, galing Barangay Ayala ang dalawa at papunta na sana sa Barangay Labuan upang mag-deliver ng mga ibinebentang gamot sa mga tindahan nang mabangga sa paparating na sasakyan.

Agad namang tumakas ang nakabanggang sasakyan at iniwan ang dalawang biktima na nakahandusay sa daan.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang tunay na nangyari at matukoy ang taong nakabangga sa motorsiklo ng dalawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.