2 menor de edad, 2 iba pa arestado sa panloloob sa bahay sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 07:59 PM | Updated as of Jan 23 2019 09:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Timbog ang apat na lalaki, kabilang ang dalawang menor de edad, na nanloob umano sa bahay sa isang subdibisyon sa Barangay Sta. Monica, Novaliches, Quezon City.

Sa bubong na inabutan at inaresto ng Quezon City Police District (QCPD) ang isa sa mga magnanakaw, habang ang isa pa niyang kasama ay sa balkonahe na dinampot ng mga pulis. 

Kinilala ang dalawang nahuli na sina Armand Rapunte at Jerick Rolluque. Arestado rin ang dalawa pa nilang kasamahan na pawang menor de edad na nagsilbi umanong lookout. 

Ayon sa mga awtoridad, sila rin ang itinuturong salarin sa serye ng mga nakawan sa Novaliches, Caloocan, at Bulacan. Aminado naman sa krimen ang dalawang suspek. 

"Mga 20 na po ang nalooban ko na bahay sa Bulacan, Caloocan, at Novaliches," pag-amin ni Rapunte.

TINDAHAN TANGKANG NINAKAWAN

Sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City naman, kita pa sa CCTV ang pag-aligid ng grupo ng mga lalaki sa isang tindahan. 

Sa isa pang anggulo, tila may kinakalas sa gilid ang mga suspek. 

Pero ang hindi alam ng mga suspek, namo-monitor na pala ng mga kawani ng barangay sa CCTV ang ginagawa nilang tangkang panloloob. 

Doon na sumugod ang mga awtoridad kaya tuluyan silang naaresto. 

"Sinisira na po nila ang bintana ko, gusto nilang pasukin kaya 'buti nakita ng mga tanod," saad ni Emy Fabre, ang bibiktimahin sana ng mga suspek. 

Ipinagmalaki naman ng barangay ang kanilang maagang pagresponde kaya naagapan ang krimen. 

"Malaking bagay ang CCTV. Iyung tanod natin, kitang-kita ang kilos nila kaya agad nakapagpadala ng puwersa at nahuli itong mga suspek," ani barangay chairman Banjo Pilar.

Hindi na itinanggi ng mga nahuli ang krimen. Depensa nila, kukuha lang sana sila ng alak sa tindahan.

Pinaghahanap na rin ang iba pang kasamahan ng mga suspek.-Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.