1 patay, 2 sugatan sa salpukan ng 2 motorsiklo sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 02:46 AM

GENERAL SANTOS CITY - Isa ang patay habang 2 ang sugatan sa salpukan ng 2 motorsiklo sa Barangay Fatima sa lungsod nitong Martes ng gabi.

Naitakbo sa ospital ang mananahi at habal-habal driver na si Harry Nopal ngunit patay na ito nang dumating sa pagamutan.

Sugatan ang pasahero ni Nopal na si Loujane Pojas, at ang 19 anyos na estudyanteng si Javier Ebrahim.

Ayon kay PO1 Zaldy Bacud ng Traffic Management Unit, tumawid sa kalsada ang motorsiklo ni Nopal para ihatid ang kaniyang pasahero. 

Tiyempong dumaan si Ebrahim kaya nabangga nito si Nopal. Sa lakas ng impact, nakaladkad nito ang motorsiklo ni Nopal nang 10 metro.

Nasa mabuting kalagayan na ang dalawang sugatan sa insidente. Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamilya ni Nopal.

Ngayong Enero, umabot na sa 13 ang bilang ng mga namatay sa disgrasya sa kalsada sa lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.