UST alumni group president na dumepensa sa parangal kay Mocha, nagbitiw

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 11:47 PM

Nagbitiw na sa puwesto ang presidente ng University of Santo Tomas (UST) Alumni Association na unang dumepensa sa parangal na iginawad kay Communications Assistant Secretary Mocha Uson.

Sa pahayag na inilabas ng UST Alumni Association Inc. (USTAAI), at naka-post sa Twitter account ng Varsitarian na opisyal na student publication ng UST, inako ni USTAAI President Henry Tenedero ang nangyaring paggawad ng Thomasian Alumni Award kay Uson.

Humingi rin ito ng paumanhin sa publiko kasunod ng iba't ibang reaksiyon sa pagkilala kay Uson.

Saad ng pahayag: "The USTAAI most humbly expresses its sincerest apology to the Father Rector, UST Administration, alumni, students, and the general public as well for any reactions that may have resulted from the conferment of the recognition in the Thomasian Alumni in Government Service."

Gayunman, nanindigan ang USTAAI na hindi nito babawiin ang pagkilala kay Uson.

Saad ng pahayag: "... the USTAAI stands firm with its decision not to rescind the recognition already conferred."

Nilinaw din ng USTAAI na walang kinalaman ang pamunuan ng UST sa kanilang desisyong kilalanin si Uson.

Bago magbitiw, iginiit ni Tenedero na "unanimous" o aprubado ng kanilang officers at mga presidente ng iba pang alumni association ng iba pang pakultad ang pagkilala kay Uson.

Binigyang diin din ni Tenedero ang naging pamantayan sa pagkilala kay Uson.

"Hindi kami, per se, magja-judge how competent, compassionate you are. Because in the final analysis, it's between you, your conscience, and your God," ani Tenedero.

Nagbanta na ang ibang UST alumni na ibabalik ang kanilang award kasunod ng pagkilala kay Uson.

Nito rin lang Lunes, Enero 22, nagtipon ang ilang estudyante ng UST para tuligsain ang pagkilala kay Uson.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.