Presyo ng LPG at auto-LPG, tumaas

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 09:17 PM | Updated as of Jul 17 2019 05:21 PM

Watch more in iWantTFC

Nagsimula nang tumaas ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) at auto-LPG dahil sa excise tax.

Nasa P710 na ngayon ang dating P704 kada regular na tangke ng Solane.

Mula naman sa P683 noong Disyembre, P691 na ang presyo ng gasul ngayong Enero. 

Pumalo din sa P661 ang 11 kilong tangke ng fiesta gas mula sa P653.

Nagmahal din ang presyo ng auto-LPG, na kinakarga ng maraming taxi sa Metro Manila, dahil sa excise tax.

Kinumpirma ni Bong Suntay, presidente ng mga independent oil players, na umakyat sa P28.80 kada litro mula P27.70 ang auto-LPG dahil sa excise tax.

Bagama't mas mura kumpara sa diesel at gasolina, sapul pa rin nito ang mga taxi driver dahil mababawasan anila ang kanilang kita.

Pero ayon sa Department of Energy (DOE), wala silang alam sa dagdag-presyo dahil wala umanong abiso.

“Without their notification, without their report on withdrawal, ang presumption po ngayon ng Department of Energy ay hindi sila nagi-implement ng excise tax at this point in time,” ayon kay Director Rino Abad ng DOE. 

Wala pang sagot ang Petron at Solane nang kuhanan ng reaksiyon.

Paliwanag naman ni Suntay, dapat importers ang nagpasabi sa DOE ng dagdag-presyo dahil sa bagong buwis.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.