PANAWAGAN: 2 bata, napadpad sa Naga nang 'iwan' ng ama

Kate Delovieres, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 04:58 PM

Hinihiling ng CSWD Naga sa sinumang nakakakilala sa mga magulang o kamag-anak ng dalawang bata na ipaabot sa kanila ang kinaroroonan ng magkapatid. Kate Delovieres, ABS-CBN News

Nasa pangangalaga na ngayon ng City Social Welfare Department (CSWD) ng Naga ang batang magkapatid mula sa Cavite na iniwan umano ng kanilang ama.

Sa panayam ng social worker, nakilala ang magkapatid na sina Alberto Demetrio, 7, at Genilyn Nomoso, 6. 

Sabi nila, mula pa sila sa bayan ng Imus sa Cavite. Hindi naman malaman pa ng social worker kung bakit magkaiba ang ibinigay nilang apelyido. 

Gabi ng Disyembre 23 nang sumakay umano sila ng bus biyaheng Cavite-Naga, kasama ang kanilang tatay na kinilala lamang sa pangalang "Albert".

Nangako raw si Albert na mamamasko sila sa Naga pero bumaba ng bus dahil bibili umano ng tsinelas.

Hindi na bumalik pa ang kanilang ama hanggang sa umalis na ang bus at nakarating na sila sa Naga City.

Agad na nai-turnover sa CSWD ang magkapatid makaraang makita ng pulis na palaboy-laboy sa bus terminal.

Tanging hiling nila ang makauwi na sa kanilang bahay sa Cavite.

"Katrina" umano ang pangalan ng kanilang ina.

Sa mga nakakakilala sa magkapatid, makipag-ugnayan lamang sa tanggapan ng CSWD Naga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.