P50-M na pautang, inilaan sa mga magsasaka, mangingisda sa Davao Occidental

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 10:39 PM

Binisita ni Department of Agriculture Secretary Manny Piñol ang mga magsasaka at mangingisda sa Malita, Davao Occidental Martes ng umaga sa ilalim ng Byaheng Bukid Program ng ahensya.

Mahigit 100 mga magsasaka at mangingisda mula sa limang munisipyo ng probinsya ang tinipon upang makalahok sa open forum kay Piñol.

Sa open forum, isa-isang ipinaabot ng mga magsasaka ang kanilang mga hinaing hinggil sa kanilang problema sa sakahan, lalo na ang kapital.

Isa sa mga nagpaabot ng problema ang magsasakang si Orlando Intrina. Aniya, sa pagtanim ng kanilang produkto ay mataas pa ang presyo ngunit kapag sila ay mag-aani na, babagsak naman ang presyo.

"Adunay floor price sa tanang klase sa produkto kay ang nahitabo man gud base sa kasinatian ang farmer pagtanom pa lang ang apresyo taa s sa pagharvest labi na sa masi bagsak dayon," aniya.

(May floor price sana sa lahat ng klase ng produkto dahil ang nangyari sa pagtanim ng mga magsasaka ay mataas ang presyo, sa pagharvest naman nila ay bagsak na ang presyo.)

Bilang tugon sa problema ng mga magsasaka, naglaan ng pautang ang ahensya na P5,000 hanggang P50,000. Walang kolateral na hihingiin at may 6% interes lamang bawat taon.

Nagbigay rin si Piñol ng loan equipment program at nangakong magbibigay ng farm to market roads sa mga munisipyo sa probinsya.

May ibibigay rin na mga patrol boats ang ahensya sa mga munisipyo upang makaresponde agad sa nilegal fishing.

"Ang loaning program is an ongoing program that we have all we need to do is mag-orientation lang sa mga farmers and fisheman,ang akong mga tao taga-ACPC [Agricultural Credit Policy Council] para sila conduct sa training," paliwanag ni Piñol.

(Ang loaning program is an on going program that we have all we need to do is mag-orientation sa mga magsasaka at mangingisda, ang aking mga tao sa ACPC [Agricultural Credit Policy Council], babalik sila para magconduct ng training.)

Laking pasalamat ng mga magsasaka at mangingisda sa programa ng Department of Agriculture.

Matapos ang open forum, nakatanggap naman ng mga seedling ng gulay, prutas at mais ang mga magsasaka.