Mga taga-Albay, pinag-iingat sa mga sakit dulot ng abo mula Bulkang Mayon

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 11:46 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nanawagan ang mga doktor sa mga nakatira malapit sa Bulkang Mayon na mag-ingat sa mga sakit na maaaring idulot ng abong ibinubuga nito.

Ayon sa mga doktor, may peligrong dulot ang abo ng bulkan lalo na sa baga kaya dapat mag-ingat ang mga taga-Albay. 

“Magkakaroon ng ubo, sipon, hirap ng paghinga, at laryngeal irritations,” ayon sa lung physician na si Dr. Paul Evangelista. 

Posible rin umanong magdulot ang abo ng problema sa mata at balat. 

“Kung madali kang magka-allergy, it can trigger an allergy attack… siguro magkaroon ng redness sa skin,” ayon naman kay Dr. Maaliddin Biruar. 

Nagpapunta na rin ang Department of Health ng mga team sa Albay para mag-monitor sa mga nasa evacuation centers. 

Paalala nila sa mga residente, gumamit ng N95 mask o basang tela, damit, o tuwalya para pantakip sa mukha. 

"[Bakit binabasa?] Para ma-trap din doon sa tela or kung anuman ang ginawang proteksiyon, ‘yung ash. Makikita mo after that parang andumi kasi nando’n na dumikit," ayon kay DOH assistant secretary Lyndon Lee Suy. 

Narito ang ilang pang payo ng mga doktor upang maiwasan ang pagkakaroon ng respiratory, skin at eye problem dahil sa abo ng bulkan:

• Huwag nang lumabas ng bahay kung maaari 
• Isara ang mga pinto at bintana
• Bawasan ang paggamit ng air conditioner para maiwasan ang pagpasok ng abo at gas sa loob ng bahay
• Linisin madalas ang mga elisi ng electric fan at filter ng air conditioner 
• Gumamit ng goggles at limitahan ang pagsusuot ng contact lens. 
• Hugasan agad ang parte ng katawan na may abo para maiwasan ang skin irritation
• Siguraduhin din na walang halong abo ang iinuming tubig
• Kung may naramdamang mga sintomas ng respiratory problem, agad magpakonsulta sa doktor

Samantala, inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi nila inaasahang magkakaroon ng mapaminsalang pagsabog ang Bulkang Mayon sa kabila ng malalakas na pagputok nito. 

“Mayro’n po tayong sporadic o intermittent na activity sa crater, hindi pa naman po ito masyadong grabe na katulad po ng ating inaantabayan na explosive eruption,” ayon kay Mariton Bornas ng Phivolcs.

Dagdag pa ng ahensiya, hindi rin dapat mag-alala ang mga nasa Metro Manila. 

"Masyado pong malayo ang Metro Manila mula sa Mayon Volcano. Ang naaapektuhan po ng ash o no’ng abo mula po sa pagsabog ng bulkan ay ito pong mga munisipyo na nasa kanang kanluran ng bulkan,” ani Bornas. 

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.