Libreng sakay, suspendidong number coding, pangontra 'stranded' sa Miyerkoles

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 10:34 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Magpapakalat ng mga sasakyan at bus ang gobyerno sa Miyerkoles, Enero 24, para sa mga pasaherong maaapektuhan ng protesta ng transport group na Piston.

Nasa 38 government vehicles at 20 bus ang ilalaan upang magpasakay ng mga pasaherong maaaring maapektuhan ng protestang ikakasa ng mga tsuper at jeepney operator bilang pagtutol sa "Oplan Tanggal Usok Tanggal Bulok."

Libre ang pagsakay sa mga government vehicle habang P10 ang singil sa mga ordinaryong bus at P12 sa mga may aircon.
 
Nasa 1,000 ang inaasahang lalahok sa protesta sa harap ng mga tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Una nang ipinahayag ng Piston ang kanilang pagtutol sa "Oplan Tanggal Usok Tanggal Bulok," na nanghuhuli sa mga pampasaherong sasakyang halos gutay-gutay na at nagbubuga pa ng usok pero bumibiyahe pa rin.

Hindi inakala ni George San Mateo, pangulo ng Piston, na ilang operator ang nag-utos sa kanilang mga tsuper na huwag nang pumasada kaysa mahuli.

"Mas bulok ang gobyerno kaysa doon sa sinasabi nilang bulok na jeep," banat ni San Mateo sa isang panayam.

Buwelta ni San Mateo ay gobyerno rin ang dapat sisihin kung bakit nakabibiyahe ang mga "bulok" na sasakyan dahil sa katiwalian umano sa mga ahensiyang nagpapatupad ng batas-trapiko.

Mula nang ilunsad ang kampanya, maraming tsuper at operator ng jeep ang nawalan ng kita at nalugi dahil sa pagbayad sa multa o pagpapagawa ng mga sasakyan.

May mga pinili na lumiban muna sa pagbiyahe habang ang iba'y nag-"trip cutting" o hindi tinatapos ang pagbiyahe sa ruta.

Kalbaryo rin ang inabot ng mga pasahero dahil sa kakulangan sa jeepney.

"Istorbo, dapat nag-advise muna sila na may ganito para aware kami kasi may pasok kami, ma-le-late kami," sabi ng isang nakapanayam na pasahero.

Samantala, sinuspende na rin ng Metropolitan Manila Development Authority ang number coding sa Miyerkoles dahil na rin sa protesta ng Piston.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.