'Kasalanan nila': Alvarez, sinisi ang mga bumuo ng 1987 Constitution

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 12:32 AM | Updated as of Jan 23 2018 05:17 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nandiyan man ang Senado o wala, tuloy na ang paggulong ng charter-change (cha-cha) sa Kamara, ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez.

Aniya, kapag natapos na ng House committee na daanan ang mga panukala o draft proposals ng mga susog sa Saligang Batas, pagbobotohan na nila ito sa plenaryo.

Idederetso na rin nila sa Comelec para sa isang plebisito kung makuha ang three-fourths na boto ng Kamara.

"Saan nakalagay sa Constitution 'yong kailangan mag-convene kami?" tanong ni Alvarez. [Hindi na hihintayin ang Senado?] "Hindi, hindi naman kailangan eh."

Dagdag pa ni Alvarez, kasalanan ng mga bumuo ng 1987 Constitution kung bakit ganito ang sistema sa pagsususog ng Saligang Batas.

"Eh kasalanan nila 'yan. Itanong mo kina [Hilario] Davide, Jr., Christian Monsod. Bakit di niyo kinompleto 'yan? Trabaho nila 'yon e."

Duda rin si Alvarez na uusad sa Senado ang cha-cha.

Ayon pa sa isang lider ng Kamara, hindi dapat upuan o ipitin ng Senado ang cha-cha.

"If you vote separately, the entire assembly will be held hostage by the Senate," ani Southern Leyte Rep. Roger Mercado, chairman ng House committee on constitutional amendments.

ZERO BUDGET

Tila binawi naman ni Alvarez ang bantang binitiwan sa mga bagong miyembro ng PDP-Laban noong isang linggo kung kailan sinabi niyang niyang makatitiyak ng pondo ang mga kakampi habang walang pondo ang hindi kakampi sa cha-cha.

Biro lang daw iyon, sabi ni Alvarez sa panayam ng ANC.

"Hindi naman seryoso iyon at saka iyong iba naman putak nang putak, di ba? E alam naman nilang hindi ko magagawa 'yon," ani Alvarez.

Ayon din kay Alvarez, dati na namang kalakaran na iniipit ang pondo ng mga di kakampi ng administrasyon

Aniya, puwede niya talagang ipitin ang pondo ng mga kongresista.

"Sa House, oo, gagawin ko."

Pumalag naman ang mga kongresista ng oposisyon.

Sabi ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao, hindi ito dapat gawing biro at hindi dapat umasta si Alvarez na parang pera niya ang pinamimigay niya.

Pahayag ni Casilao: "Hindi po biro ang posturang parang pinagmamay-arian ang pondo ng bayan mula sa buwis na pahirap."

Para kay Akbayan Rep. Tom Villarin, Hindi nababagay sa isang speaker ang gano'ng salita.

Saad ng pahayag ni Villarin "Empty words or not, such statements from the speaker reeks of vitriol and unbecoming of his position. As the saying goes, what goes around comes around."

Nanawagan naman si Sen. Miguel Zubiri sa mga kapwa mambabatas na iwasang magkasakitan ng pananalita para di madamay ang ibang trabaho.

"'Yan ang pinakapangit, we'll have a legislative stalemate. And who will suffer? The Filipino people," ani Zubiri.

Bukas naman daw ang Kamara na makipag-usap sa Senado ukol sa cha-cha anumang oras.

-- Ulat nina RG Cruz at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.