Dagdag panuntunan para sa operasyon vs. droga, inilatag ng PNP

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 10:58 PM | Updated as of Jul 17 2019 06:00 PM

Watch more in iWantTFC

Inilatag na ng Philippine National Police (PNP) ang mas masinsin at detalyadong panuntunan sa pagsasagawa ng anti-drug operations.

Nakasaad sa walong pahinang guidelines ng PNP na unang-una, dapat aprubado ng unit commander ang lahat ng operasyon kontra droga.

Pangungunahan ito ng isang opisyal ng PNP at dapat may koordinasyon din sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Kailangang magsumite ng pre-operations report at coordination form.

Bubuo ng isang drug enforcement unit na may walong tao sa bawat regional, district, at provincial police pababa sa municipal at station level.

Pili at sasalain ang mga magsasagawa ng operasyon at paiiralin ang "one-strike" policy.

Sibak ang chief of police oras na maaresto at makasuhan ang isang pulis niya kaugnay ng ilegal na droga.

Sibak naman ang provincial director kapag hindi niya nabuwag ang drug den o drug laboratory sa kanyang lugar o kapag dalawa sa kaniyang chief of police ay nasibak dahil sa isyu ng droga.

Sibak din ang regional director, oras na ma-relieve ang dalawa sa kaniyang provincial at city director. 

Hindi obligado, pero hinihikayat ang paggamit ng body camera at iba pang gadget kung available para ma-record ang mga operasyon.

Kailangang dalhin sa ospital ang mga sugatang suspek.

At kahit mamatay ang isang suspek, sasailalim pa rin siya sa inquest proceedings.

Malinaw naman sa guidelines na kailangang manaig ang batas sa anumang operasyon at pagrespeto sa human rights sa lahat ng oras. 

Base sa consolidated data ng PNP, PDEA, National Bureau of Investigation at Bureau of Customs, 3,987 drug personalities na ang napatay sa anti-drug campaign ng pamahalaan mula Hulyo 1, 2016 hanggang Enero 17, 2018.

Arestado naman ang 119,361 sangkot sa ilegal na droga.

Nakatakdang ilabas ng PNP ang kanilang bagong guidelines sa pagpapatupad naman ng "Oplan Tokhang."

Nauna nang sinabi ni PNP Chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa na sasailalim sa pagsasanay ang "tokhangers" o ang mga pulis na kakatok sa mga pinto ng mga hinihinalang sangkot sa droga para pakiusapan silang huminto sa ilegal na gawain.

-- Ulat nina Maan Macapagal at Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.