Amang nanggahasa umano ng sariling anak, arestado

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 11:57 PM

Arestado ang isang lalaki sa Malvar, Batangas matapos ireklamo ng panggagahasa sa sarili nitong anak.

Noong Linggo, sinamahan ng pinsan niya ang biktimang si "Joy" sa tanggapan ng Malvar Police para isumbong ang panggagahasa sa kanya ng kanyang sariling amang si "Jose."

Hindi umano magawang isumbong ng 14 na taong gulang na si Joy ang nangyari dahil sa takot.

Ayon kay Police Senior Inspector Arwin Baby Caimbon, hepe ng Malvar Police, maraming beses nangyari ang panggagahasa kay Joy.

"Base sa statement ng bata, maraming beses na itong ginawa, 'yung pangmomolestiya sa kanya. Kaya lang tinatakot siya ng kanyang ama na papatayin siya kapag siya ay nagsumbong," ani Caimbon.

Kaagad namang pinuntahan ng pulisya si Jose sa kanilang bahay at inaresto ito.

Hindi itinanggi ng suspek ang akusasyon laban sa kanya. Pero depensa niya, lango lamang siya sa alak sa mga pagkakataong ginahasa niya ang kanyang anak.

Hiwalay si Jose sa kanyang asawa at siya na ang nangangalaga kay Joy at isa pa nitong anak.

Isinailalim na sa medical examination si Joy na pinangangambahan ding nagdadalang tao.

"Dagdag pa dito, delayed daw ang monthly period ng bata. So sinu-suspect na ang bata ay five months pregnant," ani Caimbon.

Dahil sa nangyari, itu-turn over na sa pangangalaga ng mga lokal na social worker si Joy.

Sinampahan na ng kasong rape si ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.