40,000 inilikas sa patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 11:41 PM

• 'Strombolian eruption' ang ikatlong pagputok ng Mayon
• Bentahan ng face masks ang kabuhayan ng ilang residente
• Nalanta ang ilang pananim dahil sa init ng bumagsak na abo

Muling nag-alboroto ang Bulkang Mayon bago mag-alas-7 ng gabi nitong Martes.

Sa ikatlong pagkakataon, nagbuga ang bulkan ng abo at lava na lalong nakita dahil sa pagkagat ng dilim.

 

Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, isang "Strombolian eruption" ang nangyari sa ikatlong pagputok ng bulkan kung kailang nagmistulang fountain ang pagbuga nito ng lava.

"Strombolian eruption [is] where you can actually see fireworks or lava fountaining with lava flow and you can also see an ash plume of around 3 kilometers. In daytime, you would not be able to see that, just the ash plume," paliwanag ni Solidum sa panayam ng ANC.

["Parang fireworks ang lava flow kapag may strombolian eruption. Hindi ito nakikita kapag umaga, tanging ang pagbuga lang ng abo."]

Dagdag ni Solidum, itataas lang sa alert level 5 ang status ng pagbabantay sa Bulkang Mayon kung tuloy-tuloy itong magkakaroon ng mapaminsalang eruption.

"Alert level 5 is essentially just a statement that a hazardous explosive eruption is ongoing and this must be sustained. Not like what we’re seeing now, when explosion would occur and stop, so we need to see tall eruption columns with sustained eruptions and these can produce ashes and rocks falling down the slope," aniya.

["Alert level 5 ang itinataas kapag nagpapatuloy ang explosive eruption. Sa ngayon kasi, magkakaroon ng eruption ang bulkan pero pahinto-hinto rin."]

Watch more in iWantv or TFC.tv

CAMALIG

Tuloy ang buhay nitong Martes para sa mga residente ng Camalig bagaman napaligiran ng abo ang maraming kalsada sa bayan.

Nakatakip ang mukha ng lahat habang abala ang mga bumbero na basain ang mga kalsada kahit hindi nauubusan ng alikabok.

Sabi ng mga taga-Camalig, sanay na sila sa pag-aalboroto ng bulkang tanyag para sa mala-perpekto nitong hugis.

Sa katunayan, may ilang kumita pa dahil sa abo, gaya ng tinderong si Anthony Preña.

Nasa 10,000 face mask na ang nabenta ni Preña sa halagang P25 kada piraso.

"Ayos din naman," ani Preña. "Mura na lang benta namin, pinapaubos na lang."

Iba naman ang usapan sa mga bara-barangay sa may paanan ng bulkan na namumuti sa dami ng abong bumagsak.

Higit 40,000 katao sa Albay ang nasa mga evacuation center.

Pero inaasahang dadami pa ito matapos palawigin sa siyam na kilometro mula walong kilometro ang danger zone.

Maging ang mga alagang hayop ay ipinalikas na rin.

Ang isang burol malapit sa bulkan, pinalipat ng pamahalaang lokal.

Ayaw sana ni Lorna Sardalla na ilipat ang labi ng kaniyang yumaong anak pero alam niyang delikadong manatili pa sa kanilang tirahan.

"Okay na rito kahit papaano para makasama namin ang anak namin ng mas matagal," sabi ni Sardalla.

Para sa mga taga-Camalig, bahagi na ng buhay ang anumang galaw ng Mayon.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nangangamba naman ang ilang residenteng naninirahan malapit sa Bulkang Mayon para sa kanilang mga pananim na maaaring masira ng abong dulot ng sunod-sunod na pagsabog ng bulkan.

Isa ang Barangay Masarawag sa Guinobatan, Albay sa mga lugar na nabalot ng abo dahil sa pag-aalboroto ng bulkan. 

Kabilang sa mga inabot ng abo ang mga pananim sa lugar.

Kaya si Alex Padua, isang magsasaka, agad diniligan ang mga dahon para maalis ang mga abo, lalo't katutubo pa lang umano ng mga pananim niyang pakwan.

May ilang nalanta na dahil sa init ng abo.

Nabulok naman ang ibang pananim na pakwan matapos mabagsakan ng abo.

"Kung hindi natin i-wash 'yong mga ashfall sa mga dahon, mamamatay sila at bago pang tanim," sabi ni Padua.

Nang muling pumutok ang bulkan nitong umaga ng Martes, napabalik sa evacuation centers ang ilang residenteng inakalang ligtas nang bumalik sa kanilang mga tahanan.

Isa rito si Analiza Nadua.

"'Di na po kami magpapatigas ng ulo, pupunta po kami ... kung saan po kami nararapat mag-evacuate," ani Nadua.

Napaangkas naman sa motor si Gloria Eduarte para makabalik sa evacuation center dahil sa takot sa dagundong ng bulkan.

"Nakaka-nerbiyos talaga kahit matanda na kami... iba, kapag bumagsak 'yong abo," ani Eduarte.

Dala-dala naman ni Michelle Gumeran ang oxygen tank na ginagamit ng kaniyang inang sumasailim sa dialysis.

Nangangamba siyang mahirapang huminga ang kaniyang ina dahil sa abo.

Humarurot din ang mga army truck para sunduin ang mga residenteng lilikas.

Mahigpit na ang pagbantay sa danger zone na pinalawig sa siyam na kilometro ang sakop.

Nababahala rin ang ilan para sa mga alagang hayop dahil wala nang makain ang mga ito.

-- Ulat nina Jose Carretero at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.