Lalaki tiklo matapos ang tangkang paghalay sa dalagita sa hotel

Angel Movido, DZMM

Posted at Jan 23 2017 03:28 PM | Updated as of Jan 24 2017 11:03 AM

MANILA - Arestado ang isang lalaki matapos umanong pagtangkaang gahasain ang isang menor de edad sa isang hotel sa Novaliches, Quezon City Linggo. 

Kuwento ng 17-anyos na biktimang si "Danica," di niya tunay na pangalan, nangyari ang insidente sa pangalawang gabi ng pananatili niya sa hotel kasama ang kanyang kapatid at dalawang pamangkin. 

Natutulog aniya siya nang biglang magising at makita ang hubad na suspek sa kanyang kama. 

Agad namang lumabas ang 28-anyos na suspek na si Eclerzon Gier matapos magising ang kapatid ng dalagita na si alyas "Mari." 

Ipinagtataka naman ni Mari kung paano nakapasok ang suspek gayong naka-lock anya ang pinto ng kanilang kuwarto. 

Bagama't hindi pa malinaw kung paano nakapasok ang suspek, inamin ni Gier ang nagawa. 

Pero depensa niya, isang babae umano ang nagdala sa kanya sa kuwarto ng magkapatid. 

Sumunod aniya siya sa babae dahil "gusto ko lang po kasi magpahinga." 

Batay sa ID na nakuha kay Gier, miyembro siya ng tribong Manobo at walang kaanak sa Maynila.

Iniimbestigahan ng pulisya kung nakainom o gumamit ng droga ang suspek na mahaharap sa kasong child abuse. 

Determinado naman ang pamilya ni Danica na ireklamo ang hotel dahil sa insidente. 

"Di mangyayari 'yan kung doble-seguridad ang ginawa nila d'yan e," ani "Manuelito", kaanak ng biktima. 

Tumangging magbigay ng anumang pahayag ang manager ng hotel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.