PatrolPH

Apartment sa Quezon City, nasunog

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2023 06:42 PM

Nasunog ang isang residential structure sa Iba Street, Barangay Sta Teresita, Quezon City Linggo.

Ayon kay Fire Senior Supt. Aristotle Baniaga ng Bureau of Fire Protection (BFP), nakatanggap sila ng tawag tungkol sa sunog bandang 1:46 ng hapon, kaya bandang 1:54pm itinaas nila ang unang alarma. Pero makalipas ang halos isang oras o 2:35 p.m. ay naka “fire under control na” sila.

"2 storey, 4-unit residential apartment. So itong loob po na ito ay puro kahoy, sa second floor. Hindi concrete,” ayon kay Baniaga.

Sa kwento naman ng isa sa mga residente, nagsimula ang sunog nang makarinig sila ng malakas na pagsabog.

“May biglaang pumutok po, inakyat namin sa bubong. Pagtingin namin sa bubong. Pag tingin namin ang lakas na ang usok, pagtungin ang lakas na ng apoy,” ayon kay Marc Angelo Catigawan, isa sa mga nakatira.

Hindi pa malinaw kung ano ang pumutok pero hinala ng BFP, posibleng problemang electrical ang naging sanhi ng sunog.

“Pinag-iisipan natin kung ang electrical connections ay lumang luma na at nag-rubberized na, pwedeng nagkaroon ng short circuit,” sabi ni Baniaga.

Walang naitalang namatay sa sunog at inaalam pa kung magkano ang halaga ng pinsala.

“Wala nga po kahit isa,” ito naman ang tugon ni Catigawan nang tanungin kung may naisalba silang gamit.

Patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa nangyari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.