PatrolPH

Lalaki binaril ng kuya sa Ilocos Sur

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2022 05:14 PM


Sugatan ang isang lalaki matapos itong barilin ng kanyang kapatid sa Barangay Margaay sa bayan ng Narvacan, Ilocos Sur, gabi ng Huwebes. 
 
Base sa imbestigasyon ng Narvacan Police, dumating sa kanilang bahay ang biktima, 50 anyos, na lasing at inaway umano ang kanilang mga magulang.

Nagising ang suspek, 52 anyos, at hindi nagustuhan ang pang-aaway ng biktima sa kanilang mga magulang at dito na binaril ng suspek ang biktima. 

"Base sa pagtatanong natin sa suspek ay tuwing lasing ang biktima ay palagi niyang inaaway itong mga magulang niya na hindi niya alam ang rason kaya napuno ang suspek at nabaril niya ang kanyang kapatid, " sabi ng hepe na si Police Major Arnold Viloria. 

Nasugatan sa kaliwang binti ang biktima na nagpapagaling ngayon sa ospital.

Kusang sumuko sa mga pulis ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide, paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Act, at Comelec gun ban. 

-- Ulat ni Grace Alba

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.