PatrolPH

Davao region, muling nakapagtala ng pinakamataas na bagong COVID-19 cases

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2022 05:06 PM

Naitala muli ng Davao region ang record-high na COVID-19 cases nito, ayon sa regional health office, matapos umabot ng 1,923 ang bagong naitalang kaso nitong Biyernes. 

Dahil dito, sumampa na sa 7,930 ang kabuuang aktibong kaso sa rehiyon, base sa tala ng Department of Health-Davao Region. 

Galing sa Davao City ang karamihan sa mga bagong kaso na 1, 540 na record-breaking din ang bilang sa lungsod. Nakapagtala ang rehiyon ng 48.2 porsiyentong positivity rate noong Biyernes.

Ayon kay Dr. Rachel Pasion, pinuno ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng Department of Health-Davao Region, ang biglang pagdami ng kaso ay maaaring sanhi ng omicron variant, kung saan limang kaso na ang naitala.

Naglabas ng abiso sa publiko ang regional health office na sarado ang tanggapan ng DOH Davao Center for Health Development simula kahapon hanggang Enero 25 para sa disinfection, bilang preventive measure bunsod ng biglang pagdami ng nahawahan ng COVID-19 sa kanilang mga empleyado.

Naglabas din ng abiso ang Southern Philippines Medical Center na moderate to critical COVID-19 cases na muna ang kanilang tatanggapin dahil sa dami ng COVID-19 cases na sanhi ng pagtaas ng occupancy ng kanilang hospital beds.

Abiso rin ng SPMC na bawal ang paglipat ng mga pasyente hangga’t mayroong coordinated referral.

-- Ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.