PatrolPH

8-anyos na bata ginahasa, pinatay ng sariling ama sa Taytay

Anna Cerezo, ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2022 07:54 AM | Updated as of Jan 22 2022 08:11 AM

Watch more News on iWantTFC

Natagpuang walang buhay ang 8-anyos na batang babae sa isang kanal sa barangay Dolores sa bayan ng Taytay, Rizal Huwebes ng hapon.

Ayon sa Taytay Municipal Police Station, natuklasan ng ilang taga-barangay ang bangkay matapos mapansin ang masangsang na amoy sa kanilang lugar.

Hinanap nila kung saan nanggagaling ang amoy at nakita ang bangkay sa kanal. Nakilalang ito ang batang babaeng nawala noong isang linggo pa.

Noong Biyernes, inimbitahan ng hepe ng Taytay Police na si Police Lt. Col. Francisco Panisan ang ama ng bata para sa inisyal na imbestigasyon. 

Dito umano inamin ng ama na siya ang pumatay sa kanyang anak matapos niyang gahasain. 

Sabi ng mga awtoridad, kinuwento ng suspek na ginahasa niya ang kaniyang anak habang ito ay nagbibihis.

Nang pumiglas ang bata, sinakal umano ng tatay hanggang ito'y mamatay. 

Pagkatapos sinabi ng suspek na nilagay niya ang bangkay sa kanal sa tapat mismo ng kanilang bahay. 

Nakakulong na ang suspek na kamakailan lang lumaya sa isang drug-related case. Nahaharap siya sa kasong rape with homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.