Mga Taal volcano evacuees iniinda ang palipat-lipat ng evacuation centers

Dyan Loquellano, ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2020 06:33 PM | Updated as of Jan 22 2020 07:10 PM

Nag-aalala si Raquel Latosa para sa anak na may hydrocephalus. Isa sila sa mga pamilyang inilipat ng evacuation center dahil gagamitin na muli ang paaralang dati nilang tinuluyan matapos sumabog ang bulkang Taal. Dyan Loquellano, ABS-CBN News

Nakalikas man sa panganib na dala ng pagsabog ng bulkang Taal at sa mga lindol, hindi pa rin natatapos ang paghihirap ng mga residenteng nanunuluyan ngayon sa evacuation centers sa Batangas.

Dahil magbubukas na muli ang mga klase, may 69 pamilya mula sa Tanauan North Elementary School na ginamit na evacuation center ang inilipat sa Disaster Central Evacuation Center sa Sambat, Tanauan City. 

May 159 pamilya naman na mula Balete at tumutuloy sa Inosloban High School ang unti-unti na ring inililipat sa Bulacnin Elementary School.

“Gagamitin na raw 'yung school... magpapasukan na, kawawa naman daw kaya nilipat kami,” sabi Raquel Latosa.

Inabutan ng news team si Latosa sa Disaster Central Evacuation Center habang tinatapik-tapik ang natutulog na 5-taong gulang na anak na si France na may hydrocephalus. Napuyat umano ang bata dahil sa kaiiyak dahil sa iniindang sakit.

Hindi mapigilang maluha ni Latosa habang ikinukuwento ang hirap na pinagdadaanan nila ngayon lalo pa’t may sakit ang kaniyang anak.

“Mahirap, sobra…maliit na anak ko, tapos nag-aadjust sa lugar. Iniisip ko kondisyon ng anak ko. Madami mga kasama baka magkasakit. Iniisip ko din 'yung pangangailangan niya,” sabi ni Latosa. 

Tulad ni Latosa, iniinda rin ng pamilya ni Maricel Medrana ang kalagayan nila dahil ang kaniyang anim na anak ay pare-parehong may hika. Wala naman silang magawa kundi tiisin muna ang pansamantalang paglilipat at pananatili sa evacuation site.

“Ang dami pong pangangailangan, may maintenance po kaming mag-iina, mahirap. Pero kailangan magtiis,” sabi ni Medrana.

Pinoproblema din ni Medrana ang naiwang inahing baboy kaya nais na sana niyang makauwi sa Barangay Masantol sa Tanauan.

“Mayroon po akong naiwang inahing baboy, manganganak na po. Malaki po epekto, ang aming kaunting baong pera naubos na,” dagdag niya.

Si Jesusa Gumapac naman na mula Barangay Tinurik ay kalilipat lang din sa Disaster Central Evacuation Center.

“Hinati po kami para 'yung ibang room magamit sa papasok. Sinakay po kami ng trak dito po kami dinala,” kuwento niya.

Ang mga alagang bibe naman ang kaniyang inaalala. Nadala niya ang ilan sa mga alaga nang lumikas, pero namatay umano ang tatlo sa mga ito.

“'Yung hanap-buhay din po iniisip namin... paano ang magiging buhay namin pagbalik po. 'Yung mga bibe po inihabilin ko na sa palengke hindi ko sigurado kung may babalikan kami,” saad niya.

Pinasyalan din ng news team ang Bulacnin Elementary School. Ito ay malapit sa danger zone, mas malapit sa Balete, Batangas kumpara sa Inosloban High School na kanilang naunang kanlungan.

“Kami po’y hirap na hirap na sa palipat-lipat. Biglaan po ang alis namin, sabi gagamitin na ang elementary [school]. Bumili na kami ng mga pangangailangan dito. Ang hirap mag-adjust 'pag palipat-lipat. Sana’y matapos na po ito at kami’y hirap na hirap na po,” sabi ni Leila Ramos.

Nangangamba ang mga evacuee na muli na naman silang palipatin ng evacuation site. Hiling nila na sana ay mas permanente na ang pagdadalhan sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.